Kontra sa Terror ng Anti-Terror

Isang anarkistang pagsusuri ng Anti-Terror Act na tinalakay sa kongreso ng Pilipinas. Translation of “Against the Terror of Anti-Terror

Submitted by Bandilang Itim on July 2, 2020

Isinulat, isinalin, at in-update ni Malaginoo mula sa orihinal.

[hr]

Malapit nang ipakita ng pamahalaan ng Pilipinas ang kanyang mga tunay na kulay: isang institusyong diktaturyal at mapang-api, handang protektahan at pagsilbihan ang mga namumunong mayayaman at makapangyarihan. Bago pa dumating ang isyu ng lockdown at quarantine para tugunan ang krisis na dala ng COVID-19, abala ang gobyerno sa pag-update ng Human Security Act, ang batas, ang armas ng pamahalaan kontra sa terorismo. Matapos ang ilang linggo't buwan ng pamumulitika, pagmamagaling, at pag-redtag, ibinunyag ng Kongreso ang Anti-Terror Bill ng 2020.1

Dito, layon ng gobyernong alisin ang kung anumang natirang kalayaan at karapatan ng mga Pilipino, matapos ang ilang taon ng iligal na pagpapatay (extra-judicial killings o EJK) at paglabag sa karapatang pantao ng administrasyong Duterte, na sa ngayon ay kumitil ng 5,000 mga buhay at nag-iwan ng madugong marka sa buhay ng hindi mabilang na pamilyang Pilipino.2

Sa ika-28 ng Pebrero, 2020, ipinasa ng Senado ang kanilang bersiyon ng Anti-Terror Bill, kung saan 19 ang sumang-ayon at 2 ang tumangging ipasa ito.3 Sa pag-labas ng artikulong ito, isang buwan na ang nakalipas ng ipasa naman ito ng House of Representatives sa botong 173-31 noong ika-3 ng Hunyo, 2020.4 Dahil dito sumiklab ang mga protesta na isinagawa ng mga progresibong organisasyon sa paggunita ng Araw ng Kasarinlan (ika-12 ng Hunyo)5 at Pride Month (ika-20 ng Hunyo) kung saan hindi bababa sa 20 ang iligal na naaresto.6 Para bang ipinapakita na ng Estado ang gagawin nito sa mga kumukontra sa kanila kung tuluyan nang naipasa ang batas.

Sa gitna ng pinakamalalang krisis pangkalusugan sa kapuluan, kung saan hindi man lang binigyang halaga ang mass testing, ang kaligtasan ng publiko, at ang seguridad pangkabuhayan ng mga tao, pagsasamantalahan pa rin tayo ng Kongreso habang tayo ay nagpapakahirap dahil sa pandemiya at kawalang kakayahan ng gobyerno.

Kasaysayan ng Himagsikan

Maraming mga grupong mapanghimagsik sa ating bansa, na ang kanilang adhikain ay bantaan at baguhin ang umiiral na sitwasyon sa kapuluan (status quo), at patalsikin ang mga taong nakakapakinabang dito: ang mga namumuno. Ang pinakakilala sa mga ito ang mga sumusulong para sa malayang Bangsamoro (MNLF, MILF), mga jihadist na Islamiko (tulad ng BIFF, Abu Sayyaf, at mga Maute)7 at ang mga partidong Komunista na isinusulong ang armadong pakikibaka. (ang CPP-NPA-NDF at MLPP-RHB sa Gitnang Luzon.)8

Ang mga militanteng grupong ito, na may sariling mga prinsipyo at layunin, ay patuloy na nagsasagawa ng operasyo maka-ilang dekada na sa buong kapuluan, habang kinokontra ang kapangyarihan ng pamahalaan sa mga lungsod at nayon sa buong bansa.

Dahil sa mga pag-aaklas na ito, isinulong ni dating Senador Juan Ponce Enrile noong 1996 ang isang batas para bigyang ligal na depinisyon ang terorismo, at para na rin itakda ang kakayahan ng pulis at militar upang hulihin at kasuhan ang mga “terroristang” ito.9 Matapos ang ilan taong pagdedebate, isang “mahina” at “walang pangil” na bersiyon ng batas ang ipinasa ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang Human Security Act ng 2007.10

Ngunit, tumindi at lumakas pa ang retorika ng pamahalaan matapos maging Pangulo si Rodrigo Duterte noong 2016. Kinunsinti at sinang-ayunan pa niya ang mga iligal na pagpapatay ng mga hinihinalang drug user at pusher sa kaniyang kampanya kontra droga.11 Inutusan din niya ang mga sundalong pagbabarilin ang mga rebeldeng babae sa kanilang kaselanan, na isang paglabag sa Geneva Convention.12

Ito ay habang abala ang kapulisan at ang militar sa iligal na pagkulong ng mga sumasalungat sa gobyerno, kahit ano pa ang paniniwala o ginawang pagkontra.13 May mga kaso pa nga na pinatay ang mga magsasaka, manggagawa, at aktibista dahil sa kanilang “pagiging subersibo.”14 Ang masaklap pa nga ay iligal nilang sinasakop ang mga lupaing Lumad sa katimugan ng ating kapuluan, at kanilang mga pamayanan ay patuloy na pinagmamalupitan.15

Kahit saan ka tumingin, sa ngalan raw ng kaligtasan at kaayusan, masahol na nilabag ng gobyerno ang mga karapatang pantao ng mga Pilipino. Sinulong pa nga ng mga opisyal na sibil at militar ang pagbabalik at pagpapalakas ng mga batas at alituntunin para “mapadali ang kanilang trabaho” na pumatay at manakop. Tulad ng kagustuhan ni Eduardo Año na ibalik ang Anti-Subversion Law na target ang mga komunista at mga sumusporta sa kanila.16

Madaling magkaroon ng alinlangan sa mga adhikain ng gobyerno para palitan ang ibig-sabihin ng terorismo, at pagpapahaba ng parusa sa mga lalabag sa batas na ito.

Sa Maiging Pagbasa, Naroon ang Pagkabahala

Sa Senado, isinulat ang panukala ni Senador Panfilo Lacson upang “bigyan ng matatag na basehang ligal ang pagprotekta sa ating lipunan laban sa panganib ng terorismo, at protektahan din ang mga karapatan ng mga inakusahan.”17

Nag-iba na ang depinisyon ng terorismo sa ilalim ng panukulang ito. Sa madaling salita, ang terorismo, ayon sa panibagong batas, ay isinasagawa ng kahit na anong organisasyon na pinagbabantaan ang mga kinagawian sa lipunan, kultura, at ekonomiya, na kayang makasama sa pagmamay-ari o pagkatao, at pagimbita sa iba na sumapi sa kanila.

Kapag inakusahan, ang mga “terorista” ay pwedeng i-detain ng 60 na araw na walang arrest warrant. Dagdag pa nito, maaring rin manmanan sa kahit na anong suspetsa ng pulis at militar ang kahit na anong gadyet ng konekatdo sa Internet tulad ng isang cellphone o komputer sa loob ng 60 na araw. Ibig sabihin nito na ang ating kalayaang ihayag ang sarili, kalayaang magsama-sama, at kahit ang kalayaan ng ating konsensiya ay pwedeng kunin sa atin kapag itinuring na tayong terorista ng kahit sinong nagiimbestiga sa gobyerno. Kahit na anong gawin ng isang ginawang suspek ay maaring ideklarang “terroristic” at magagamitan ng mga galawang krminal ng estado.

Kapag sinakdal naman, ang lahat ng “nagmungkahi, nagtulak, nakipagsabwatan, at nakisama” sa “pagplano, pagensayo, at pagsasakilos ng isang pagatake” ay ikukulong habambuhay. Pareho rin ang ipapataw sa “kahit sinong nag-recruit at aktibong sumusuporta sa isang organisasyong terorista.” Mas mabilis naman ang sentensiya sa mga “nagbantang gumawa ng kilos na terorista o nagudyok sa ibang gawin ito, sumama sa grupong terorista, o tumulong sa kahit na anong gawin nila.” Sa madaling salita, kahit na sinong malapit o magkaugnay sa mga “terorista” ay pwedeng maging biktima ng batas na ito.18

Hitik sa Bunga ng Abuso

Tama naman na protektahan ang kaligtasan ng mga tao sa ating lipunan. Ang paninindigan para sa seguridad ng sarili,mga minamahal, pamilya, at mga komunidad ay malaking parte ng kamalayang Pilipino, magmula pa sa sinaunang panahon. Kapag inatake ang kapakanan ng tao, tayo ay magbabayanihan, at lalaban tayo para maibalik ito sa mga nararapat. Ang pinsala sa isa ay isang pinsala sa lahat.

Ngunit, ang gobyerno mismo ang pangunahing umaatake sa ating mga kalayaan, ang ating kaligtasan, at ang ating karapatang mabuhay. Sa isyu man ng paggawa, karapatan ng mga mamamayan, pati ang sitwasyon ng mga indigenous people, pinapanigan pa rin ng estado ang mga makapangyarihan at sinusuportahan pa rin nila ang Kapital na binubuo ng mga mayayaman at may mga pribilehiyo.

Kaya nakakagalit isipin na ang Estado mismo ang garapal na nagdedeklara kung sino ang panganib sa publiko, kung sino ang terorista. Sa ilalim ng batas na ito, kahit na anong organisasyon ay matatawag na terorista basta lang may “pruweba” tunay man o hindi. Kahit na sino ang maaring akusahang terorista dahil inihayag nilang patatalsikin nila ang Pangulo, sumali sa rally na biglang naging “banta sa kaligtasan ng tao,” o kahit man lang nag-share ng post o mensahe na kumokontra sa pamahalaan. Pwede silang ikulong ng ilang araw lamang ng pulis o militar at tiyak may kaso na silang inaantay sa korte.

Ilang dekada na ang nakaraan, at ang mga aktibista ay ginawang kalaban ng gobyerno nang walang pakundangan. Mga estudyante, unyonista, kahit mga lider ng mga Lumad sa Mindanao ang niligalig at pinag-uusig dahil sa kanilang mga pananaw at paniniwala. Kung talagang gagawing batas ang Anti-Terrorism Bill — sa pagsulat nito, may pitong araw na lang — ang kahit na sinong taguriang kalaban ng rehimen ay marahas na patatahimikin sa loob ng selda. Kaya hindi na nakakapagtaka na Martial Law na nga ito, iba lang ang pangalan.

Ang Terror ng Pangongotra sa Terror

Minsang sinabi ni Mikhail Bakunin na:

Lubos na makakamit ang kalayaan at pagkatao ng isang indibidwal mula sa mga indibidwal na pumapalibot sa kaniya, at dahil sa pagkilos at kapangyarihan ng lipunan.19

Ano nga ba ang ibig sabihin niya? Ang kalayaan ay makakamit lamang kapag ang lahat ng tao ay pantay-pantay na malaya. Ang kalayaan ay makakamit lang kapag ang paniniwala at kilos ng isang tao ay kinikilala rin ng kaniyang kapwa tao. Ngunit, dahil kahit ang ating konsensiya at pagkatao ay maaring parusahan ng kahit sinong namumuno sa pamahalaan ay pwedeng sabihin na ang kalayaan natin ang mismong paparusahan dahil lang sa kasakiman ng iba.

Kapag inisip at naunawaan na natin ang katotohanang ito, matatanto natin na hindi tayo naging tunay na malaya kahit kailan. May kalayaan tayong ilabas ang damdamin sa Internet, iparinig ang ating mga opinyon at pagkontra sa iba, pati na rin ang pagkilos ayon sa ating kagustuhan at panuntunan. Pero, kapag nilantad natin ang mga kahinaan at kasalanan ng mga makapangyarihan, gagawin nila ang lahat para mapatahimik tayo, at itago ang kanilang mga kabulastugan sa ating lipunan. Pagkukunwari lang ang demokrasiya sa ating kapuluan. Sa likod ng harapang matamis ang mga salita, pinagsusugal lang ng mga mayayaman at mga mapanlinlang ang ating kapakanan, ang ating buhay, para lang sila ay mas umangat at mas yumaman. Sa panukala lang natin nakikita kung paano sila maglalaro.

Ang lipunan na libertaryo, ang lipunang rumerespeto sa kalayaan, ay hindi umaasa sa mga organisasyong ipagtatanggol at paglilingkuran daw tayo, pero kapag tumutol tayo ay maninira, manghuhusga, at mamamatay-tao. Kinikilala nito ang kalayaan ng bawat tao, at ang kakayahan ng bawat isang mag-isip, magsalita, at kumilos kahit papaano. Sa ganoon, protektado ang kapangyarihan ng taong protektahan mismo ang sarili at ang kanilang mahal sa buhay mula sa panganib ng terorismo, lalo na ang pinakikilos ng mga pulis, amo, at mga taga-gobyerno.

Malayo pa ang ating mararating bago pa natin iisipin kung paano bumuo ng isang mas masaganang lipunan para sa lahat. Dahil sa panahon natin ngayon, ang kaunting kalayaan na mayroon tayo ay nawawala sa dagat ng diktaturya at pasismo. Sa Bolivia, sa Estados Unidos, at lalo na sa Hong Kong. Kung hindi ibabasura ang batas na ito, sunod na ang Pilipinos. Hindi lang ito isyu para sa mga libertaryo at anarkista sa Pilipinas. Ito ay suliranin na hinaharap ng lahat sa kapuluan, mapa-anong edad, kasarian, paniniwala, at ideolohiya. Kung nanakawin ito ng Estado sa atin, ano pa ang kaya nilang gawin? Sa bagay, bakit natin paniniwalaan ang mga pasistang nangiimbento ng terorista?

  • 1See a report on the proposed law: Neil Arwin Mercado, “Longer warrantless detention among features of Lacson anti-terror bill.” Philippine Daily Inquirer. October 02, 2019. https://newsinfo.inquirer.net/1172687/longer-warrantless-detention-among-features-of-lacson-anti-terror-bill
  • 2See a list of some of the victims: Jodesz Gavilan, “LIST: Minors, college students killed in Duterte's drug war.” Rappler. October 21, 2019. https://www.rappler.com/newsbreak/iq/179234-minors-college-students-victims-war-on-drugs-duterte
  • 3Op. Cit. Neil Arwin Mercado, “Longer warrantless detention among features of Lacson anti-terror bill.”
  • 4DJ Yap, “Anti-terror bill approved with no changes in ‘unconstitutional provisions’” Philippine Daily Inquirer. June 4, 2020. https://newsinfo.inquirer.net/1285964/anti-terror-bill-approved-with-no-changes-in-unconstitutional-provisions
  • 5Job Manahan, Kevin Alabaso and Ayen Morales, “Terror bill critics defy quarantine, storm in Independence Day 'mañanita'.” ABS-CBN News. June 12, 2020. https://news.abs-cbn.com/news/06/12/20/terror-bill-critics-defy-quarantine-storm-in-independence-day-maanita
  • 6See the report: “At least 20 arrested at Pride march in Manila.” Rappler. June 26, 2020. https://www.rappler.com/nation/264919-cops-arrest-individuals-pride-month-protest-manila-june-2020
  • 7See the report: Agence France-Presse, “Tracing back the Philippine Muslim conflict.” Rappler. October 7, 2012. https://www.rappler.com/nation/13759-tracing-back-the-philippine-muslim-conflict
  • 8See the report: Alan Robles, “Explained: the Philippines’ communist rebellion is Asia’s longest-running insurgency.” South China Morning Post. September 16, 2019. https://www.scmp.com/week-asia/politics/article/3027414/explained-philippines-communist-rebellion-asias-longest-running
  • 9Janess Ann J. Ellao, “Human Security Act: ‘Draconian, Fascist.’” Bulatlat. August 11, 2007. https://www.bulatlat.com/2007/08/11/human-security-act-‘draconian-fascist’/
  • 10GMANews.TV, “Arroyo to sign proposed anti-terror law Tuesday.” GMA News Online. March 5, 2007. https://www.gmanetwork.com/news/news/nation/33045/arroyo-to-sign-proposed-anti-terror-law-tuesday/story/
  • 11Sofia Tomacruz, “Duterte: It is my job to kill.” Rappler. March 10, 2020. https://www.rappler.com/nation/254037-duterte-says-job-to-kill
  • 12Paterno Esmaquel II, “Duterte defends 'shoot in the vagina' remark.” Rappler. February 26, 2018. https://www.rappler.com/nation/196966-duterte-defends-shoot-female-rebels-vagina-remark
  • 13See for example the harassment of mutual aid activities during the pandemic: Rambo Talabong, “10 feeding program volunteers arrested in Marikina.” Rappler. May 1, 2020. https://www.rappler.com/nation/259615-feeding-program-volunteers-arrested-marikina-may-2020

    See also the harassment of benign May Day protests: Eimor Santos, “Cases filed vs. 18 'protesters' arrested in Quezon City.” CNN Philippines. May 2, 2020. https://cnnphilippines.com/news/2020/5/2/Alleged-Labor-Day-protest-Quezon-City-cases.html

  • 14See for example a report on the killings perpetuated on the island of Negros: Ronalyn V. Olea, “Negros killings, ‘a war against unarmed civilians’ — groups.” Bulatlat. July 27, 2019. https://www.bulatlat.com/2019/07/27/negros-killings-a-war-against-unarmed-civilians-groups/
  • 15See for example the report: Cristina Rey, “Increased militarization under martial law threatens Lumad teachers in the Philippines.” Intercontinental Cry (IC). July 15, 2017. https://intercontinentalcry.org/increased-militarization-martial-law-threatens-lumad-teachers-philippines/
  • 16Janella Paris, “Proposed anti-subversion law a ‘repressive weapon’ – law group.” Rappler. August 17, 2019. https://www.rappler.com/nation/237963-law-group-says-anti-subversion-law-repressive
  • 17Op. Cit. Filane Mikee Cervantes, “House panels OK non-contentious provisions in anti-terror bill.”
  • 18Taken from the contents of the bill itself. See: Senate Bill No. 1083 “The law on the prevention of terrorist acts of 2020.” https://senate.gov.ph/lis/bill_res.aspx?congress=18&q=SBN-1083
  • 19Mikhail Bakunin, “Man, Society, and Freedom.” The Anarchist Library. https://theanarchistlibrary.org/library/michail-bakunin-man-society-and-freedom

Comments