Anarkismo: Ano Siya at Ano Hindi Siya

Ang akdang ito ay isinulat ni Joseph A. Labadie at muling nilimbag sa dandelion, vol 3, bl. 12, Tag-lamig 1979 sa isang “polyetong orihinal na inilathala ng Liberty Club of Detroit.” Inisalin ni Malaginoo.

Submitted by Bandilang Itim on September 18, 2021

Gusto mong sabihin sa’yo kung ano ba ang Anarkismo, ‘di ba? Kaya ko naman siyang tangkain, at sa simple kong paraan pa-intindihin sa iyo kahit papaano na hindi ito ang pinagsasabi ng mga walang-alam na mga kapitalistang pahayagan, sinungaling, hangal, at kontrabida.

Sa simula pa lang, inaanyayahan ko na ang lahat ng gustong malaman ang katotohanan tungkol sa Anarkismo na huwag umasa sa kaniyang mga kalaban para sa impormasyon, pero makipag-usap sa mga anarkista at magbasa ng mga akdang anarkista. Hindi rin talaga maasaahan ang sinasabi ng isa, dalawa, o iilang tao tungkol rito, kahit na tinatawag nila ang sarili nilang mga anarkista. Kunin mo ang karamihan sa pinagsasabi nila at ipagkansela mo ang mga magkasalungat. Madalas totoo ang mga natirang mga katotohanan. Halimbawa, ano ba ang Kristiyanismo? Magtanong ka sa sandosenang tao at malamang sa malamang hindi magkapareho ang mga sagot nila. Pero, mayroong mga basehang paniniwala na pare-pareho sa kanila. Malimit, ito ang tamang posisyon ukol sa relihiyong iyon kung ipagkukumpura sa sinabi ng bawat isang tinanong. Ang prosesong pagkakanselang ito ay ang isang maaasahang paraan para malaman ang kahit na anong pilosopiya. Ito rin ang ginawa ko upang maintindihan kung ano nga ba talaga ang Anarkismo, at patas namang sabihing ang naunawaan ko ay malapit kung hindi impunto sa katotohanan.

Ang anarkismo, sa mga salita ni Benjamin R. Tucker, ay mailalarawan bilang doktrina kung saan “ang lahat ng bagay-bagay ng tao ay dapat pamahalaan ng mga indibidwal o pagsasama-samang boluntaryo, at dapat buwagin ang estado.”

Ang estado ay ang “pangangatawan sa prinsipyo ng paglusob sa indibidwal, o nagkaisang mga indibidwal, na pinapalagay na sila ang kumakatawan o mga amo ng katauhan sa isang lugar.”

Ang pamahalaan ay ang “pagpapasailalim ng isang indibidwal na hindi mapanglusob sa kalooban ng iba.”

Isaisip natin ang mga kahulugang ito, at huwag sana gamitin ang mga salitang “estado,” “pamahalaan” o “anarkiya” sa iba pang ibig-sabihin sa ibig sabihin ng isang anarkista. Ang mga depinisyon ni Tucker ay kalimitan tinatanggap ng karamihan ng mga anarkista.

Ang estado, ayon kay Herbert Spencer at iba pa, ay nagmumula sa giyera, giyerang agresibo, karahasan, at laging pinapanatili ng karahasan. Ang gampanin ng estado ay laging mamahala — ang ipasunod ang mga taong hindi naghahari sa lipunan sa kagustuhan ng mga may kapangyarihan. Ang estado ay ang hari sa monarkiya, ang hari at parlyamento sa monarkiyang limitado, ang mga halal na kumakatawan sa republika tulad ng Estados Unidos, ang mayorya ng mga botante sa demokrasya tulad sa Switzerland. Pinapakita ng kasaysayan na ang mga umuunlad ang kundisyon ng kaisipan, moralidad, at pisikal na materyal ng masa kapag ang kapangyarihan ng isang estado sa mga indibidwal ay binabawasan. Habang mas namalayan ng tao ang kanyang interes, bilang indibidwal at bilang parte ng kolektibo, pipilitin niyang pabuwagin ang mapangpwersang otoridad sa kaniyang sarili at kanyang paggalaw. Pinapakita niya na bumuti ang sitwasyong materyal ng simbahan (nang walang sinasabi tungkol sa sitwasyong espirituwal), dahil hindi pinupwersa ang isang tao na suportahan ito at tanggapin ang kaniyang doktrina dahil kung hindi tatawagin siyang erehe at susunugin, kung hindi ibang paraan ng pamamaltrato. Tinuturo din niya na mas maganda ang suot ng tao nang tinigil ng estado ang pagpapatupad ng batas tungkol sa pagsusuot ng damit. Doon din sa katotohanan na mas masaya ang mga kasal dahil napipili na nila ang aasawahin. Bumuti ang kalagayan ng tao sa lahat ng paraan noong binuwag ang mga batas na kinokontrol ang isang tao sa kaniyang ang gupit ng buhok, paglalakbay, pangangalakal, bilang ng bintana sa bahay, pagnguya ng tabako, at pakikipaghalikan kapag Linggo, at marami pang iba. Sa Rusya at ibang bansa, kahit na ngayon hindi paa pinapayagan ang pumunta sa ibang bansa o lumabas dito nang walang permisong ligal, ang mag-imprenta ng libro o papeles kung hindi ito alinsunod sa batas, ang magpapasok ng tao para sa isang buong gabi nang hindi nalalaman ng pulis, at ang ilan pang libong paraan na pinipigilan ang paggalaw ng tao. Kahit na sa mga pinakamalayang bansa ninanakawan pa rin ang tao ng mga taga-kolekta ng buwis, binubugbog ng mga pulis, pinapabayad ng multa at binibilanggo ng mga korte — sa madaling salita, yinuyurak sa iba’t-ibang paraan ng otoridad kapag ito ay agresibo o sumasalungat sa pantay kuno na kalayaan.

Kahit ang ilang anarkista ay nagkakamaling sabihin na ang tunguhin ng Anarkismo ay ang pagtatag ng napakalubos na kalayaan. Isang praktikal na pilosopiya ang anarkismo, at hindi nito layuning gawin ang imposible. Ang layunin ng Anarkismo ay ang maabot ng lahat ng tao ang pantay na kalayaan. Sa loob ng ganitong pamamahala, ang karapatan ng mayorya ay hindi hihigit sa minorya, ang milyun-milyong tao ay hindi hihigit sa isa. Pinapalagay ng anarkismo na ang bawat tao ay may pantay na karapatan sa lahat ng produkto ng kalikasan nang walang kaperahan o presyo; na ang gawa ng isang tao ay sa kanya lamang, at walang indibidwal o kolektibo ng tao, sa loob o labas man ng batas at estado, ang pwedeng kumuha ng kahit bahagi nito nang wala sa kaalaman o pagpapahintulot niya; na ang bawat tao ay payagang makipag-palitan ng produkto kung saan man niya gusto; na payagan siyang makiisa sa kaniyang mga kauri kung piliin niya, o makipag-kumpetisyon sa iba sa kahit anong larangan; na walang paghihigpit dapat ang patawan sa kanya sa pag-imprenta, pagbabasa, paginom, pagkain, at kahit na anong aksyon, basta hindi niya pinapakialaman ang pantay na karapatan ng iba.

Laging sinasabi na ang Anarkismo ay isang kuro-kurong impraktikal na inangkat lang galing sa ibang bansa ng mga dayuhang walang-alam. At oo, ang mga nagsasabi no’n ay hindi lang nagkakamali, pero alam na sila’y nagkakamali. Ang doktrina ng kalayaang personal ay doktrinang Amerikano, sa paraan na sinasapraktika nito tulad ng gawa ni Paine, Franklin, Jefferson at ang iba pang nakaintindi nito ng husto. Kahit na ang mga Puritano may ideya nito, dahil pumunta sila rito para magkaroon ng kalayaan sa pribadong pagsasagawa ng gawaing pangrelihiyon. Ang kalayaang sa pribadong pagsasagawa ng gawaing pangrelihiyon ay ang Anarkiya sa relihiyon. Ang unang bumalangkas sa konsepto ng soberanyang indibidwal ay isang Kano, si Josiah Warren, na inapuhan ng Warren na heneral noong Rebolusyon. May anarkiya tayo sa pangangalakal sa bawat estado ng Unyon, dahil ang malayang kalakalan ay komersyal na Anarkiya.

Ang gumawa man ng krimen kontra sa iba ay hindi Anarkista, dahil ang pananakit sa iba gamit ang agresyon ay kabaligtaran ng Anarkismo.

Walang papatay sa iba, maliban na lang kung para sa depensa, na Anrkista, dahil paglabag iyon sa pantay na karapatan ng ibang taong mamuhay, na lubos na kabaligtaran ng Anarkismo.

Ang mga mamamatay-tao at kriminal na tinatawag na Anarkista ay tinatawag lang na ganoon ng mga walang-alam at malisyoso.

Hindi pwede na Anarkista ka pero ginagawa mo ang siyang kontra sa Anarkismo.

Gagawin ng Anarkismo na mismong paninirahan at paggamit lang ang siyang karapatan ng tao sa lupa, nang mabuwag ang konsepto ng pag-uupa.

Sinisigurado nito na ang bawat tao o katipunan ng tao ay may karapatang gumamit ng iba’t ibang uri ng pera para sa pangangalakal, nang mabuwag ang interes sa ilalim ng pakikipag-tulungan at pakikipag-kumpetensya.

Tinatanggi nito ang kunong hustisya ng mga patente at karapatang-ari (copyright), nang mabuwag ang monopolyo sa pagmamay-aring intelektwal.

Tinatanggi nito ang karapatan ng kahit na anong kolektibo ng tao na buwisang ang indibidwal nang kontra sa kaniyang kagustuhan, pero sa halip boluntaryo ang pagbubuwis tulad ng ginagawa ng mga simbahan, unyon, abuluyan, damayan, at iba pang katipunang boluntaryo.

Naniniwala ito sa kalayaan sa bawat parte ng buhay ay ang pinakamagandang paraan para iangat ang kalagayan ng katauhan tungo sa kaligayahang pangkahalatan.

Sinasabi na ang Anarkismo ay hindi sosyalismo. Mali ito. Ang anarkismo ay boluntaryong sosyalismo. Dalawa ang uri ng sosyalismo, ang may pinuno (arkista) at walang pinuno (anarkista), otoritaryo at libertaryo, pang-estado at malaya. Totoo na ang bawat panukala para sa pagpapabuti ng lipunan ay ang pagdagdag o pagbawas sa kapangyarihan ng mga saloobin at pwersang panlabas sa isang indibidwal. Ang pagdagdag dito ay arkistal ang pagbawas dito ay anarkista.

Kapareho ng anarkiya ang kasarinlan, kalayaan, independensiya, otonomiya, pagsasariling-sikap, kawalan ng pangingialam, pero minsan din bayanihan at damayan, at marami pang iba.

Ngayong tapos na ito, isa lamang mahinang batayan ito sa kung ano ang anarkismo at kung ano hindi siya.

Talababa ni Labadie:

Ang mga gustong ituloy pa ang kanilang pag-aaral nito ay maaring magbasa ng Instead of a Book ni Tucker, What is Property? at Economical Contradictions ni Proudhon, Voluntary Socialism ni Tandy, The Anarchists ni Mackay, Free Life ni Auberon Herbert, The Demonstrator, Lucifer (mga pahayagang anarkista noong ika-19 siglo), at marami pang ibang ibang libro, papeles at polyeto na maaring basahin sa Henry Bool, Ithaca, NY, E.C. Walker, 244 West 143rd Street, NYC, “Liberty,” Box 1312, New York, o “Mother Earth,” P.O. Box 217, Madison Square Station, New York City.

Comments