An anarchist statement on the current COVID-19 crisis written by an anarchist in the Philippines.
Sinulat ng isang anonymous na anarkista sa kasalukuyang krisis ng COVID-19. Inilathala namin ito sa Bandilang Itim para sa kahalagahan nito sa mga anarkisista sa kapuluan.
[hr]
Tiyak na nabago ang buhay mo sa pagdating ng virus. Bumuti o lalong naging masama ang lagay mo? KUNG SUMAMA ANG BUHAY MO, isa ka sa napakaraming mahihirap na dumaranas ngayon ng stress dulot ng pagkabahala sa impeksyon ng virus. Napa-praning dahil baka walang kainin ang pamilya at hindi makakilos upang makamit ang pangangailangan sa inyong bahay.
Higit na pinalutang ng TAKOT at PANIK ang DISKRIMINASYON hindi lang laban sa mga Chinese nationals maging sa mga health workers na NAGTATAYA ng BUHAY para tumulong sa pagkontrol ng pandemya.
Sa gitna ng takot bunga ng paghihigpit at kawalan ng mga tao sa akses para ma-testing; itong mga pulitiko ay walang kahiya-hiya na unahin ang mga sarili at pamilya at buong yabang pang binabalewala ang mga protocols sa pag-kontrol ng virus. Hindi malaman kung saan sila kumukuha ng lakas ng loob na mandohan ang mga tao na makipagtulungan habang wala namang kasiguruhan na may sapat na supply para sa pangangailangan ng milyong pamilyang apektado.
Natural na sasama ang loob mo sa gobyerno at mga pulitiko dahil sa kanilang kapabayaan at sa halip magpakumbaba ang kanilang arogansya ay parang asin sa sugat na lalong nakapagpapainit sa ulo ng tao kung saan kapag mahirap ang may paglabag dahil naman sa lehitimong dahilan ay napaparusahan. Matatapang lang ang PNP at AFP sa mga mahihirap na walang laban pero 'pag senador o congressman ay lagi silang may dahilan. Idagdag pa ang ulat ng pangha-harass ng ilang kapulisan sa mga kababaihan sa mga checkpoints sa daan.
Hindi natin alam kung hanggang kailan tatagal ang lock down habang ang bilang ng mga positibo ay tuloy-tuloy at ang pagdami nila ay ating asahan. Sa kabila ng mga ito, isang malaking positibong epekto ang PAG-LINIS ng HANGIN at PAGKAPAHINGA NG INANG-KALIKASAN. Ang malusog na kapaligiran ay nakakatulong sa pagpapalakas ng resistensya ng ating mga katawan sa pag-protekta ng ating well-being sa kabuuan.
Kahit banas na banas ka sa mga pa-VIP na pulitiko at sa mga taong sa kanila ay sunod-sunuran may opurtunidad tayo para magtulungan upang makamit ang ating mga batayang pangangailangaan sa iba't-ibang paraan. Sa panahon ng enhanced community quarantine ay may pagkakataon tayo na magnilay-nilay kung paano natin mapapalusog ang ating mga relasyon sa pamilya, komunidad at paano tuturuan ng leksyon ang mga pabebeng pulitiko.
Ito rin ang magandang pagkakataong upang muli nating hasain ang ating mga kakayahan na lumikha ng mga bagay na pangunahin nating kailangan. Magpraktis magtanim ng iba'-t-ibang uri ng halaman, pagkain, gamot o pagpaganda ng ating kapaligiran. Mag-improvise ng mga kasangkapan upang ang virus ay labanan. Magsabwatan upang makapagbahagi ng mga gamot, pagkain at mga bagay na pang-proteksyon sa katawan. Pag-aralan ang mga kaganapan at pagbabahagi ng mga napapanahong impormasyon. Ang pagbabahagi ng mga skills at kakayahan ay epektibo ring paraan.
Higit na malaki ang tsansa nating malampasan ang krisis pangkalusugan kung tayo ay may kani-kanyang pamamaraan at HINDI TAASA SA GOBYERNO ANG ATING PANGANGAILANGAN. Lalo tayong may adbentahe kung papairalin natin ang pakikipagkapwa-tulungan.
Comments