Ukol sa Penomenon ng mga Tarantadong Trabaho: Isang Rant sa Pagtatrabaho

Salin mula sa Orihinal na Akda “On the Phenomenon of Bullshit Jobs: A Work Rant” ni David Graeber. Inisalin ni Malaginoo.

Submitted by Bandilang Itim on March 10, 2021

Paunang Salita ng Tagasalin

Ang akdang ito ay isang pagsasalin sa wikang Tagalog ng orihinal na akda ni David Graeber na On the Phenomenon of Bullshit Jobs: A Work Rant, na inilabas noong 2013. Si Graeber ay isang antropolohista at kilalang anarkistang manunulat sa larangan ng ekonomikal at panlipunan sa pag-unlad ng sibilisasyon. Bilang aktibista, isa siya sa mga unang nakidalo sa “Occupy Wall Street” noong 2011 at sa kaniya kinikilala ang katagang “We are the 99 percent.”

Isa sa pinakatanyag na kontribusyon sa diskursong anarkista ay ang pagkilala sa mga tinatawag na “bullshit jobs” o mga trabahong kinikilala ng mga mismong gumagawa nito na walang halaga sa lipunan. Sa panimulang rant na ito, hayag na tinanong ni Graeber ang isang napakalaking kontradiskyon sa kasalukuyang kapitalismo: Sa dami ng naging hakbang sa pagpaunlad ng teknolohiya sa ekonomiya, bakit humihigit pa rin sa 30 oras ang trabaho ng manggagawa kada lingo, gayung sinabi ng mga eksperto na kaya nitong maging 15 lamang noong simula pa lang ng ika-20 siglo? Mula sa tanong na ito, kinalas ni Graeber ang isang mahigpit na taboo na pumapalibot sa mga bagong industriyang nakabatay sa propesyunal at administratibong mga gawain, at kung gaano kaunti ang nagiging impak nito sa buong ekonomiya, at sa taong mismong ginagampanan ang mga trabahong ito.

Nakapukaw ito sa kamalayan ng mga manggagawa sa buong mundo at mula roon, nakabuo si Graeber ng isang teoryang lubos na nagpapaliwanag sa penomenong ito, at ang maaaring lunas sa suliranin, sa librong 2018 na Bullshit Jobs. Habang patuloy na nagkakaroon ng krisis ang mga sektor ng paggawa lalo na sa kasalukuyang new normal, marapat na imbestigahin ang bagong kalikasan ng ekonomiya, gamit ang mga bagong pananaw, upang intidihin ang sitwasyon ng mga manggagawa, sa mga luma at bagong industriya, at maliwanagan sa kung ano ang dapat gawin, upang mapalaya at maingat ang kanilang kondisyong materyal at sikolohikal.

[hr]

Ukol sa Penomenon ng mga Tarantadong Trabaho: Isang Rant sa Pagtatrabaho

Noong taong 1930, hinulaan ni John Maynard Keynes, na sa pagtapos ng siglong iyon, napaunlad na ng sangkatauhan ang teknolohiya sa puntong ang mga manggagawa sa mga bansang tulad ng Estados Unidos at Britanya, ay maaari nang makapagtrabaho ng 15 oras na lang kada linggo. Nandoon na ang lahat ng rason upang paniwalaang tama siya. Kung teknolohiya nga ang pag-uusapan, kaya nga naman natin ito. Pero 'di pa nangyayari 'to. Sa halip, ang pamamahala sa mga kompyuter, kung mayroon man, ay ginagawa pang dahilan para mas magtrabaho pa tayo. Para makamit ito, nililikha ang mga trabaho na, sa puno't dulo ng lahat, ay walang kwenta. Maraming tao, lalo na sa Europa at Hilagang Amerika, na sila mismo'y hindi naniniwalang may kabuluhan ang trabaho nila. Isa siyang sugat sa kaluluwa nating lahat. Ngunit, halos walang nagsasalita tungkol dito.

Bakit hindi naganap ang utopia na pinangako ni Keynes, na hinihintay pa noong dekada 60? Ang nakagawiang sagutin ay dahil hindi niya nakita ang pag-usbong ng konsumerismo. Kung pipiliin ang mas kaunting oras sa pagtrabaho o mas maraming mga pwedeng ma-enjoy o paglaruan, pinili raw natin ang pangalawa. Maganda man itong mungkahi sa ating moralidad, pero kahit sa panandalian natin itong pag-isipan, hindi pa rin ito ang lubos na katotohanan. Oo, natanaw natin ang paglikha sa walang katapusan at sari-saring mga trabaho at industriya magmula pa noong dekada 20, pero halos wala itong kabuluhan sa paggawa at pamamahagi ng sushi, iPhone, o kahit mga mamahaling sneaker.

Kung ganoon, ano nga ba ang mga bagong trabahong ito? Malinaw na nilarawan ng isang report kung saan kinukumpara ang pagkakaroon ng trabaho mula 1910 hanggang 2000 sa Estados Unidos. Sa nakaraang siglo, ang bilang ng mga manggagawa na nagtatrabaho bilang domestic servants, sa industriya, at sa agrikultura ay sobrang bumaba. Sa parehong panahon, ang bilang ng mga "professional, managerial, clerical, sales, at service worker" ay nag-triple, "mula sa one-quarter, hanggang sa maging three-quarters ng kabuuang empleyo." Sa madaling salita, tulad ng hinaka-haka, ang mga trabahong produktibo ay in-automate (kahit na ibilang ang mga manggagawang industryal sa buong mundo, tulad ng mga masang nagpapagal sa India at Tsina, dahil hindi na sila ganoon kalaking bahagi ng populasyon ng mundo tulad ng dati.)

Pero sa halip na payagan ang malawakang pagbabawas sa oras na magtatrabaho ang tao, upang malayang magampanan ng sangkatauhan ang kani-kanilang mga proyekto, kagustuhan, mithiin, at ideya, nakikita natin ngayon ang pagdami ng trabaho sa sektor ng administrasyon, kung hindi ang kabuuan ng sektor sa paglilingkod. Dito, makikita ang paglikha ng mga bagong industriya tulad ng serbisyong pinansyal o telemarketing, o di kaya ang pagpapalawak sa "corporate law," administrasyon sa akademya at kalusugan, "human resources" at "public relations." At mula sa datos na ito, hindi pa nakikita ang karamihan sa trabahong nagbibigay ng suportang administratibo, teknikal, o pangseguridad sa mga industriyang ito, pati na ang mga ancillary, o kakabit pang mga sektor (taga-hugas ng aso, taga-deliver ng pagkain) na naririto lang naman dahil kailangan ng ibang tao na gugulin ang kanilang oras sa iba pang mga bagay.

Ito ang minumungkahi kong tawaging mga mga tarantadong trabaho. (Sa orihinal na Ingles, bullshit jobs.)

Para bang may taong lumilikha ng mga trabahong walang kwenta para lang magtrabaho pa tayong lahat. At dito mismo mahahanap ang misteryo. Sa kapitalismo kasi, ito ang kabaligtaran sa dapat mangyari. Oo, sa mga estadong sosyalista na makaluma at hindi maaasahan tulad ng Unyong Sobyet, kung saan ang pagtatrabaho ay parehong karapatan at banal na tungkulin, binubuo ng napakaraming mga trabaho ang kanilang sistema para lamang magkaroon ng empleyo ang lahat (at kaya kapag bibili ng karne sa department store roon, kailangang kausapin ang tatlong kahera.) Ayun nga lang, ito yung mga tipong problema na dapat nireresolbahan daw ng kumpetisyon sa merkado. Ayon man lang sa teoryong ekonomikal, huling gugustuhing gawin ng isang negosyong kumikita ang magpasweldo pa sa mga manggagawang hindi naman nila kailangan. Pero, kahit na nga ganoon, nangyayari pa rin siya.

Habang ang mga korporasyon ay walang pakundangan sa pagpapaunti ng kanilang lakas paggawa, ang mga pagtatanggal sa trabaho o pagmamadali sa posisyon ay nagaganap sa uri ng mga taong mismong lumilikha, nagpapagalaw, nag-aayos, at nagme-maintain sa mga bagay-bagay. Pero sa salamangakang hindi mailalarawan, ang bilang ng mga paper-pusher na bayad ay parang lumulobo pa, tulad ng mga manggagawa sa Unyong Sobyet na inarkila para sa may 40 o kahit 50 na oras kada linggo, pero sa katunayan, 15 na oras lamang, tulad ng prediksyon ni Keynes, dahil ang ginagawa na lang nila sa ay ang pagorganisa o pag-sama sa mga motivational seminar, o di kaya, pag-update sa kanilang facebook profile, o pag-download ng mapapanood sa TV.

Sa gayon, masasabi nating hindi ekonomikal ang sagot: kundi moral at pulitikal. Naintidihan ng mga naghaharing uri na ang populasyong masaya at produktibo na mayroong malayang oras ay isang delubyo sa kanilang pamamalakad (alalahanin ang nangyari noong nagsimulang haka-hakain ito noong dekada 60). Sa kabilang banda naman, ang pakiramdam na parang ang pagtrabaho ay isang bertud o moralidad sa kaniyang sarili, at na walang karapatan sa kahit na sinong hindi aayon sa matindihang disiplina sa trabaho, ay napakamaginhawa para sa kanila.

Isang beses, habang iniisip ko ang para bang walang katapusang paglobo ng mga responsibilidad na pang-administrasyon sa mga departamentong akademiko sa Britanya, nakaisip ako ng posibleng pangitain ng impyerno. Ang impyerno ay ang koleksyon ng mga indibidwal, kung saan binibigyan sila ng mga gawaing ayaw nila at di sila magaling gawin. Sabihin nating pinapasahod sila dahil magaling silang gumawa ng aparador, tapos malalaman na lang nila na ang malaking parte ng trabaho nila ay ang pagprito sa isda. Hindi naman din kailangang gawin, kaunti lang naman kasi ang kailangang prituhing mga isda. Pero kahit na nga ganoon, naiinis sila sa mga katrabaho silang gumagawa ng aparador at hindi naman tinutugunan 'yung responsibilidad sa pagpiprito. 'Di katagalan, gabundok na ang mga isdang hindi makain dahil hindi pinrito ng maayos, at iyon na lang ang nagiging produkto ng pagawaang iyon. Sa tingin ko, ito na ang pinaka-angkop na deskripsyon sa pwersang moral sa ating ekonomiya.

Ngayon, namalayan kong ang kahit na anong argumento ko ay magkakaroon kaagad ng mga pagtutol: “Paano mo nasabi kung ano talaga ang mga trabaho na ‘kailangan’? Ano nga ba 'yung ‘kailangan’? Propesor ka lang sa antropolohiya, ‘kailangan’ ba yung trabahong 'yon”' (at marami na ring mga nagbabasa ng mga tabloid ang nagsasabing pinakakahulugan ng kawalang-kwentang panlipunan na may trabahong tulad sa'kin.) At sa isang lebel, halata namang, totoo ito. Walang tiyak na pagsusukat sa halagang panlipunan.

Hindi ko naman ipagpapapalagay na sabihin sa isang tao na naniniwalang may mahalagang kabuluhan ang ginagawa nila, na hindi pala. Pero papaano na para sa mga taong kumbinsido na walang kwenta nga ang kanilang trabaho? Hindi matagal ang nakalipas nang nakausap ko muli ang isang kaibigan sa eskwela na 'di ko pa nakikita magmula pa noong 12 ako. Namangha ako nang nadiskubre kong sa panahong nakalipas, naging makata muna siya, tapos kumakanta sa bandang indie rock. Nakarinig na ako ng mga kanta niya sa radyo nang 'di ko namalayang kilala ko pala ang kumakanta. Halata namang magaling siya, inobatibo, at liniwanagan at pinabuti ng kaniyang gawa ang buhay ng maraming tao sa buong daidig. Kahit ganoon, matapos ang ilang album na 'di rin nagtagumpay, nawalan siya ng kontrata, at dahil baon sa utang, at may sanggol na anak, nang lumaon, sa kaniyang mga salita, 'tinahak ang default choice ng mga taong walang direksyon: law school.' Abogado na siya sa batas pangkorporasyon sa isang negosyong kilala sa New York. Siya ang unang umamin na walang kahulugan ang kaniyang trabaho, walang ambag sa mundo, at ayon sa kaniyang pag-iisip, hindi dapat naparirito.

Maraming pwedeng tanungin dito, at pwedeng simulan sa "anong masasabi sa lipunan natin na lumilikha siya ng napakalimitadong pangangailangan para sa mga talentadong makata-musikera, pero parang walang katapusang pangangailiangan para sa mga espesiyalista sa batas pangkorporasyon?” (Ang sagot: Kung ang 1% ng populasyon ang kumokontrol sa karamihan ng kayamanang kayang gastahin, ang tinatawag nating "merkado" ay repleksiyon ng mga mahahalaga o kapaki-pakinabang sa kanilang palagay, at sa kanila lang.) Pero higit doon, pinapakita nito na ang mga tao sa ganitong mga trabaho na ganito siya. Sa katunayan, 'di nga ako sigurado kung may nakilala akong abogadong pangkorporasyon na hindi iniisip na tarantado 'yung trabaho nila. Pareho rin siya sa lahat ng mga bagong industriyang nilahad sa itaas. May buong uri ng mga propesyunal na, kung kakausapin mo sa mga salu-salo at inamin mong may ginagawa kang nakakapukaw ng interes (halimbawa, ang pagiging antropolohista) ay iiwasang makikipag-usap tungkol sa anuman ang trabaho nila. Painumin mo lang sila, bibira naman sila at mumurahin kung gaano kawalang kwenta at tarantado talaga ang ginagawa nila.

May malalim na karahasang sikolohikal na nagaganap dito. Paano masisimulan ng isang tao na makipag-usap tungkol sa dignidad sa pagtatrabaho kung nararamdaman niyang hindi dapat naroroon ang kaniya? Paanong hindi siya lilikha ng malalim ng galit at sama ng loob? Pero iyon ang magaling sa ating lipunan, na nagawa ng mga makapangyarihan rito na, tulad sa mga nagpiprito ng isda, siguraduhing ang galit ay nakadirekta sa mga nakakapagtrabaho ng may halaga talaga. Tignan: sa lipunan natin, may alituntunin na kung mas halatang may benepisyo ang trabaho ng tao sa iba, malamang kakaunti ang bayad sa kanila. Mahirap naman ding maghanap ng objective na pambilang rito, pero madali itong isipin kung tatanungin: ano kaya ang mangyayari kung mawala na lang bigla ang buong uri ng taong ito? Sabihin mo man ang gusto mong sabihin tungkol sa mga nars, nangongolekta ng basura, o mekaniko, halata namang kung mawawala silang parang bula, agaran at makakapinsala ang mga resulta nito. Ang mundong walang mga guro, o estibador ay magkakaroon din ng delubyo, at kahit na ang mundong walang manunulat sa science fiction o musikerong ska ay may nawawalan. Hindi klaro kung paano magdurusa ang sangkatauhan kung mawawala sa ganitong paraan ang mga CEO sa kumpanyang private equity, lobbyist, researcher sa PR, aktwaryo, telemarketer, katiwala sa lupa, o legal consultant. (Suspetsa pa nga iba, bubuti pa ang mundo kung iyon ang mangyari.) Pero, 'di kabilang ang mga ibang palagiang halimbawa (mga doktor), gumagana lagi ang alituntuning iyon.

Ang masaklap pa, may pakiramdam na parang dapat ganito ang mga bagay-bagay. Ito ang isa sa mga sikretong lakas ng populismong maka-kanan. Kita mo ito kapag nanghahamok ang mga tabloid sa mga nagtatrabaho sa Tren kapag pinaparalisa nila ang tren kapag may girian sa kontrata: ang mismong katotothanan na kayang paralisahin ng mga trabahador ang London ay nagpapakita na mahalaga talaga ang trabaho nila, pero parang naiinis pa ang mga tao rito. Mas maliwanag ito sa US, kung saan magaling manghasik ng sama ng loob ang mga Republican kontra sa mga guro o manggagawa sa industriyang pang-sasakyan (pero ang mahalaga, hindi sa mga administrador ng eskwela o manager sa kumpanya ng mga sasakyan, na may pakana ng lahat ng problema) dahil sa kanilang malalaking mga sahod at benepisyo. Para bang sinasabihan pa nilang "tinuturuan mo naman ang mga bata! O gumagawa ka ng mga kotse! May totoo kayong trabaho! Kahit gano'n na nga, may kapal pa kayo ng mukhang asahang mayroon kayong pension pagtanda at healthcare?"

Kung mayroon mang nakadisenyo ng isang sistemang pangtrabaho na perpektong nakaangkop sa kapangyarihan ng Puhunang Pinansyal, mahirap maghanap pa ng mas magandang likha bukod pa rito. Ang totoo, ang produktibong mga manggagawa ay walang tigil na sinasagasa at sinasamantala. Ang mga natira ay nahahati sa isang uring niligalig ng mga walang trabaho (na nilalait ng lahat) o ang mas malaking uri na nasa posisyon na dinisenyong kinikilala ang sarili na naka-angkla sa mga pananaw at kagustuhan ng mga namamayaning uri (mga manager, administrador, atbp.) — partikular sa mga marurunong sa pinansya — pero kasabay noon, may tagong sama ng loob kontra sa mga taong may trabaho na may maliwanag at tunay na halaga sa lipunan. Maliwanag na hindi naman ito dinisenyo ng sadya. Nabuo lang ito mula sa halos isang siglo ng pagkakaroon ng paghahanap ng kung ano ang gumagana at hindi. Pero iyon lang ang paliwanag kung bakit, sa kakayahang teknolohikal natin, hindi tayo nagtatrabaho ng tatlo o apat na oras kada araw.

Comments