A social ecological commentary on the concept of “Survival of the Fittest.”
Sinulat ni Bas Umali at inilathala sa Anarki: Akin ang Buhay Ko 2.0 noong Disyembre 2017. Inilimbag ni Non-Collective (NC) at Onsite Infoshop.
Inilathala namin ito sa Bandilang Itim para sa kahalagahan nito sa mga anarkisista sa kapuluan.
[hr]
Ang “survival of the fittest” na naunang ginamit ni Charles Darwin ay naabuso bunga ng maling pag-intindi at konteksto. Magbalik-tanaw tayo saglit para lang sa komon na pag-intindi sa ideya ni Darwin ng ebolusyon. Ayon kay Peter Kropotkin ang mga organismo ay dumaan sa mahabang proseso ng ebolusyon bago nakamit ang kanilang mga pisikal na kaanyuan at ang kanilang partikular na “sosyal na kaayusan” sa kasalukuyan. Halimbawa: kung ano man ang ating pisikal na katangian sa ngayon ito ay dahil sa dinaanang proseso ng pagbabago dulot ng kapaligiran at ng taglay din na kakayahan ng organismo na umangkop sa kanyang likas na paligid.
Ang popular na pag-unawa sa kaisipang survival of the fittest ay umiinog sa ideya ng pagiging matatag ng isang indibidwal o grupo laban sa iba pa na ka-kumpetensya niya sa mga bagay para mabuhay. Ang ganitong pagsasapantaha ay hindi maiiwasang ILAGAY ANG SARILI SA GITNA O SENTRO. Bilang sentro, ikaw o ang grupo mo ang iisipin mong dapat na magiging prayoridad na mabuhay o mag-survive laban sa iba. Sa ganitong pananaw, ituturing mong kalaban at kakumpetensya ang iba na dapat malamangan, maisahan o ang malala ay puksain upang masiguro ang kaligtasan ng sarili at ng grupong kinabibilangan.
ANG GANITONG PANANAW ANG UNANG HAKBANG NG PAGPUTOL MO O NG IYONG GRUPO SA UGNAYAN SA IBA. SA PAG-AAKALA NA ANG KALIGTASAN MO LANG ANG MAHALAGA, ITUTURING MO NA KAKUMPETENSYA O KALABAN ANG IBA. ITO ANG ISA SA MGA UNANG BATAYAN UPANG MAGAWA MONG TIISIN AT TANGGAPIN ANG MASAMANG KALAGAYAN NG IBA. HAHAYAAN MONG MAGUTOM O MAPUKSA ANG IBA, ANG MAHALAGA LIGTAS AT BUSOG KA.
Ang ganitong pag-intindi at kaisipan ay namamayani sa mga mainstream na lipunan. Ito ay pinatitibay ng iba’t-ibang argumento katulad daw ng limitadong likas-yaman, ispasyo at kakulangan sa mga batayang pangangailangan kaya dapat lang daw na mapuksa ang iba para sa kapakanan ng matitira.
Ayon sa Institution of Mechanical Engineers o IMechE ay may 2 bilyong tonelada ng pagkain ang nasasayang kada taon.1 Habang 1.3 bilyong toneladang nasasayang na pagkain naman ang iniulat ng Food Agriculture Organisation ng United Nations o UNFAO.2 Sa kabilang banda, ayon uli sa UNFAO sa kanilang ulat noong May 2015 ay may 795 milyong nagugutom na tao sa daigdig o isa sa siyam na tao ang nagugutom ayon sa taunang ulat ng UN.3 Sa Pilipinas ayon sa balita mula sa ABS-CBN, iniulat ng SWS na may 3.1 milyong pamilya ang nagugutom noong unang bahagi ng taong 2016.4 Batay sa ulat ng Asia-Pacific Economic Community o APEC sa kanilang security meeting noong 2015 ay may 33 porsyento ng nalikhang pagkain ang nasasayang.5
Ikaw na ang bahala sa matematika upang bigyan ng kapaliwanagan ang mga numerong nabanggit sa itaas. Ang nakakatiyak tayo, may sapat na pagkain, isapasyo at mga batayang pangangailangan para sa mga tao at populasyon sa buong mundo, subalit hindi makamit ng higit na nakararaming tao ang mga batayang pangangailangan dahil sa kontrol ng iilan sa pagkain, ispasyo, kalikasan at mga yaman ng lipunan. NAPAKARAMING SALAPI AT RESOURCES PARA SA DIGMAAN HABANG MILYON ANG NAMAMATAY SA KAGUTUMAN.
Ang salitang survival ay tumutukoy sa pagkamit ng isang sitwasyon na paborable sa isang indibidwal o grupo para mabuhay at maipagpatuloy ang pag-iral. Nakamit niya o nila ang sitwasyon sa iba’t-ibang kaparaanan. Ang tunggalian ay isa lang sa mga pamamaraan, maari din naman sa pamamagitan ng pagtutulungan o pakikibagay.
Ang salitang fit kung isasalin sa Tagalog ay: akma, angkop, bagay o na- a-ayon. Kung ikaw ay fit sa isang sitwasyon, samakatuwid hindi ka OP (out of place). Komportable ka sa iyong paligid. Hindi ka OP, ma-e- enjoy mo ang iyong kapaligiran at malaki ang tsansa na manatili ka sa sitwasyon iyong kinalalagyan. Magkakaroon ka ng ispasyo na kinikilala ng iba pang naroroon. Nagawa mong makibagay sa sitwasyon. Survivor ka sa sitwasyong iyon.
Balik tayo survival of the fittest. Sinasabi sa ideya ng Natural Selection na ang mga organismong higit na makaka-angkop sa kanyang natural na kapaligiran ang siyang mananatili sa ekosistema. Ang mga hayup, halaman o anumang buhay na magagawang makibagay sa kanyang kapaligiran ay hindi mapupuksa. Ulit, ang salitang fit sa pagsasalin ay a-akma, ba-bagay, umaayon o a-angkop sa kanyang kapaligiran. Ang pagiging-fit ay maraming kaparaanan na ang ultimong layon ay mag-survive sa natural selection.
Sa madaling sabi, ang survival of the fittest ay bahagi ng proseso ng natural selection kung saan ang mga organismo ay nagpapakita ng kanilang abilidad at pagiging malikhain upang maging angkop sa partikular na sistema ng kalikasan at maging akma ang kanilang istilo ng pamumuhay sa natural na kapaligiran upang masiguro ang kanilang pag-iral at ang buhay ng mga susunod na salin-lahi.
Hindi magbe-benipisyo ang isang uri ng hayup kung ang istilo ng pamumuhay nito ay para lupigin at ubusin ang ibang hayup o sirain ang kanyang kapaligiran.
Taliwas sa popular ngunit dispalinhadong paniniwala sa ideya ng survival of the fittest; ang mga buwaya halimbawa ay hindi matakaw o masiba tulad sa pagkukumpara sa mga hayup na ito sa mga pulitiko. Ang mga reptilang ito ay may tukoy na dyeta at sa oras na makamit na nila ang kanilang pangangailangan sa protina sila ay titigil na sa pagsila ng ibang hayup. Ang mga predators o mga hayup na nag-ha- ha-hunting ay AY HINDI PARA LIPULIN ANG IBANG HAYUP. Hindi magdudulot ng benipisyo sa mga predators o mga hayup na kumakain ng karne na ubusin ang kanilang pinagkukunan ng protina dahil hindi ito magsisiguro na mabubuhay ang mga susunod na henerasyon ng kanilang uri. Hindi ko sinasabing mulat o conscious ang mababangis na hayup sa pagiging sustenable ng kanilang supply ng pagkain; wala akong paraan para ma-beripika ito; ngunit natitiyak kong may tukoy na hangganan ang kanilang dyeta, ang hangganang ito ay nagtitiyak na hindi malilipol ang iba pang organismo.
Sa pagsusuma, higit na marami at iba’t-ibang uri ng organismo ang nakikinabang sa diwa ng kapwa-tulungan. Mga insekto, isda, insekto, mamal, reptila ibon at napakarami ang nagawang maipagpatuloy ang salin-lahi ng kanilang uri dahil sa kapasidad nilang magtulungan. Maaring pakikipagtulungan sa kanilang katulad na hayup (species)o pakikipagtulungan sa ibang uri ng hayup. Sa kabilang banda ang syensya ay nagkategorya ng ecological relationships at ang kooperasyon ay isa lang sa mga ugnayang ito ng organismo. Walang intensyong pasubalian ng sulating ito ang standard na itinalaga ng syensya, sa halip, nais lang palawigin ng sulating ito ang papel ng kapwa-tulungang relasyon ng mga organismo sa mga ekosistema.
Sasabihin ng mga pantas na instinct ang dahilan kung bakit ang mga hayup ay nag-aaruga ng kanilang mga anak. Hindi naman sa pamimilosopo, naging manok ka na ba para maintindihan mo kung bakit naglilimlim ang isang inahin? Ano kaya ang tumatakbo sa maliit na utak ng inahin na ito at matapos mapisa ang mga itlog at lumabas ang mga inakay ay kinakalinga ang mga sisiw hanggang sa sumapit ang panahon na kaya nang magsarili ng mga batang manok?
Sa kabilang banda, may iskolar din na nagturan na ang mga prosesong ginagawa ng mga hayup upang maituloy ang susunod na salin-lahi ay hindi lang simpleng instinct. Ito raw ay kolektibo rin nilang karanasan na ipinamana sa kanila ng kanilang mga ninuno sa pamamagitan ng kanilang mga DNA (deoxyribonucleic acid).
Ating pag-isipan. Ang dispalinhadong paniniwala sa survival of the fittest ay hindi nagdudulot ng benepisyo sa mga organismo at sa ating daigdig. Ang balikong interpretasyon sa pananaw na ito ang siyang pundamental na tungtungan ng KAPITALISMO at KASALUKUYAN NATING KULTURA.
Sa ngayon ay tanggap natin ang daang-libong pamilya na walang tahanan at gutom. Walang akses sa mga batayang pangangailangan. Tila normal na sa atin na may makitang mga batang namamalimos lansangan, habang sinisisi natin ang mga magulang nila sa pagiging pabaya at tamad; panay naman ang tangkilik natin sa mga pulitiko at mga korporasyon na nagko-kontrol ng mga yaman ng lipunan. Mga tao at institusyon na nagmo-momopolyo hindi lang ng yaman maging ng katotohanan, na kung ikaw ay susuway sa kanilang polisiya ikaw ay iba.
Ang paniniwalang naka-sentro sa tao at sarili ang siyang tungtungan ng kasalukuyang mainstream na lipunan. Lipunang ang layon ng bawat indibidwal o grupo ay mapunta sa tuktok ng hirarkiya. Alam mo na ang ibig sabihin ng nasa tuktok ng kapangyarihan. Ikaw ay boss, may pribelehiyo at may kontrol sa mga yaman ng lipunan at kalikasan.
Alam naman nating lahat na ang daigdig ay finite. Ang ibig sabihin may hangganan o may tukoy na limitasyon. Ang mga likas na sistema ng mundo ay may takdang limitasyon sa usapin ng maibibigay nitong pagkain, tubig, ispasyo at hangin upang suportahan ang mga organismong umiiral sa iba’t-ibang uri ng habitat o natural nilang tirahan.
Sa karanasan, ang kalikasan sa iba’t-ibang anyo nito ay komon na pinakikinabangan ng iba’t—ibang organismo. Sa sistema ng kalikasan, walang masasabing may iisang klase ng organismo ang nagdo-domina sa isang tukoy na ekosistema. May mga hayup sa gubat o sa dagat na pangingilagan ng iba pang mga hayup, subalit ang mga mababangis na hayup na ito ay hindi para “pagbawalan” ang iba pang mga hayup na gamitin at pakinabangan ang biyaya ng kalikasan. Ang grupo ng lobo halimbawa ay magiging aktibo lang sa pangangaso kung sila ay gutom na at kailangan sustentuhan ng protina ang kanilang populasyon. Gayundin ang malalaking klase ng pusa na higit na nagiging mabangis kung gutom at kumakalam ang sikmura. Ngunit kahit gaano kabangis ang hayup, hindi ito masasabing nagkokontrol sa partikular na lugar. Maaring pangingilagan ang particular na pook kung saan naroroon sila, subalit patuloy pa ring makakagala at makikinabang sa kalikasan ang iba pang mga organismo.
- 1Rebecca Smithers, “Almost half of the world's food thrown away, report finds.” https://www.theguardian.com/environment/2013/jan/10/half-world-food-waste
- 2The Food and Agriculture Organization (FAO), “Food Loss and Food Waste.” http://www.fao.org/food-loss-and-food-waste/en/
- 3The Food and Agriculture Organization (FAO), “World hunger falls to under 800 million, eradication is next goal.” http://www.fao.org/news/story/en/item/288229/icode/
- 4ABS-CBN News, “Hunger affects 3.1 million families in PH: survey.” http://news.abs-cbn.com/nation/07/04/16/hunger-affects-31-million-families-in-ph-survey
- 5Paul Chester U. See, “Waste Not, Want Not.” https://www.pressreader.com/philippines/manila-times/20170210/281547995636040
Comments