Panlipunang Rebolusyon ang Solusyon

An article in Filipino written during the height of the Occupy movement arguing for social revolution.

Submitted by Bandilang Itim on May 31, 2020

Sinulat ni Bas Umali noong Oktubre 2011. Inilimbag noong Mayo 2020 ni Alimpuyo Press. (Read this in English.)

Inilathala namin ito sa Bandilang Itim para sa kahalagahan nito sa mga anarkisista sa kapuluan.

[hr]

Ang pampulitikang ehersisyong nagaganap sa Wall Street sa Estados Unidos ay manipestasyon ng lalo pang lumalalang krisis ng kapitalismo, kung saan ang isang porsyento ng populasyon ng daigdig ang siyang may kontrol ng lakas-pagawa, likas-yaman, mga pasilidad at kasangkapan na dapat sana’y magpapaunlad at magpapayabong sa potensyalidad ng 99 porsyentong populasyon ng sa daigdig.

Ang Okupasyon ng Wall Street ay isang proseso ng pagsasakapangyarihan ng mga mamamayan na nakatuon sa pagwasak sa dominasyon ng iilan. Sa pamamagitan ng mga estado at mga korporasyon, ang yaman ng lipunan ay nako-kontrol ng iilan na nagpapasa sa benepisyo habang ang malawak na bilang ng mga tao sa iba’t-ibang panig ng daigdig ay dumaranas ng kahirapan, kagutuman at kawalan ng panlipunang hustisya. Ang pagkasira ng mga likas-yaman ay lalo lang nagpapalala sa kundisyon ng mga marhinalisadong komunidad, pamilya at mga indibidwal kung saan sila ay salat sa mga batayang pangangailangan upang mabuhay ng may dignidad at opurtunidad upang mapaunlad ang kanilang mga sarili.

Dito sa ating ARKIPELAGO, ang industriya ng pagkain, edukasyon, serbisyo sa tubig, kuryente, pabahay, pangkalusugan at iba pang panlipunang serbisyo ay kontrolado lang ng iilang korporasyon at pamilya na pino-protektahan ng estado. Sa pamamagitan ng mga institusyon ng gobyerno ay napapatatag ang dominasyon ng mga korporasyon. Kung pagbabatayan natin ang mga datus mula sa NSCB (National Statistics Coordination Board), sa loob ng tatlong taon mula 2006 hanggang 2009 ay may naitalang napakaliit na pagbabago mula 21.1% ay naging 20.9% ang insidente ng kahirapan.

Ayon sa pinakahuling pambansang survey na isinagawa ng Social Weather Station o SWS sa 1200 respondents noong Marso 4–7 taong kasalukuyan, may 20.5% na pamilya ang nagsasabing nakakaranas sila ng gutom at 51% na itinuturing nilang sila’y dumadanas ng kahirapan. Ang 20.5% ay may distribusyong: 15.7% (paminsan-minsang nakakaranas ng kagutuman); 4.7% ay yaong madalas dumanas ng kagutuman. Sa pagtaya ay may 3.2 milyong pamilya ang paminsan-minsan nagugutom habang 950,000 pamilya ang dumaranas ng kagutuman.

Konserbatibo ang mga datus na ito para sa mga tao at grupong walang tiwala sa mga datus na inilalathala ng gobyerno; may malaking dahilan upang ikubli ng gobyerno ang tunay na kalagayan ng mga mamamayan; sapagkat kung magkakaroon ng sapat na impormasyon ang mga mamamayan manganganib ang interes ng iilang mayayamang may kontrol sa benepisyo ng kalikasan at yaman ng lipunan.

Sa sarili nating konteksto, kargado ng pulitkal na pagtingin ang salitang “occupy” na siyang ginagamit ng mga kilusan sa iba’t-ibang panig ng daigdig; magkakaroon ng kongkretong laman ang salitang occupy dito sa atin kung ang mamamayan ay lalahok sa pampulitikang ehersisyo na ito. Ngunit sa kalagayang ang impormasyon hinggil sa kaganapan sa Wall Street at iba pang panig ng daigdig ay limitado lamang sa iilang grupo at tao, mahirap pang ideklara na tayo ay nag-o-okupa ng partikular na lugar sanhi ng pampulitikang kamulatan ng mamamayan. Kaugnay nito, ang malaking hamon na kinakaharap natin ay kung paano ipaabot sa mas malawak na mamamayan at marhinalisadong mga komunidad ang kwento ng Wall Street at kaugnayon nito sa sarili nating kalagayan.

Sa ngayon, ang pagkilos na isinasagawa natin sa Luneta ay pagpapaabot ng pakikipagkaisa sa pagkilos ng mga mamamayan sa Estados Unidos, isang kahanga-hangang kilusan ito na kakakitaan ng kawalan ng lider at pampulitikang partido na sa tuwina ay umaako sa mga pagkilos at tagumpay ng mamamayan upang iabante ang kanilang mga sariling interes.

MABUHAY ANG KILUSANG WALANG LIDER! MABUHAY ANG PRAKTIKA NG DESENTRALISADONG KILUSAN NA NAKABATAY SA INISYATIBA NG MGA MAMAMAYAN AT MARHINALISADONG SEKTOR AT MGA KOMUNIDAD!

OCCUPY LUNETA!

Comments